eleksyon na! (lalagnatin na yata ako)
malapit na malapit na kong mawalan ng pag-asa sa kakayahan at karapatan ng mga Pilipinong bumoto. iisipin ko pa lang na halalan na naman sa mayo, pakiramdam ko'y lalagnatin na ko -- lagnat na mataas na mataas na maaaring magdulot ng deliryo. para kasing walang kwenta na ang halalan. kung pwede lang talaga, tanggalin lahat ng nasa posisyon ngayon. tanggalin lahaaat at itapon sa malayong... planeta. walang matitira. tapos, mga bagong Pilipinong tapat ang hangarin at may "alab ng puso" ang maghahain ng plataporma para iboto ng mga mamamayan.
parang awa nyo na mga botanteng Pinoy! panahon nang magising. hindi pa ba kayo nahihirapan? di na ba kayo naaawa sa pilipinas? huwag nang magpadala sa kasikatan, kapangyarihan at kayamanan ng mga kumakandidato. gamitin ang isip!
ibalik na ang dangal ng pilipinas. madalas kasi kung sino pa ang nangungurakot, kung sino pang walang masyadong nalalaman sa pamamalakad ng bansa at batas, kung sino pang nandaraya, kung sino pang nangloloko, kung sino pang walang malasakit sa bayan, kung sino pang napalayas na dati, sila pa ang nahahalal at nauupo. bakit? dahil sikat sila. dahil maganda at gwapo sila. dahil namudmod sila ng pera. dahil namigay sila ng t-shirt. dahil ang ganda ng kanilang patalastas. dahil nakipagkamay sila. dahil nanalo sila sa paligsahan... anak ng! nakakasabog ng damdamin! ano bang halalan yan?! parang laro. nagiging katawa-tawa tayo at tampulan tayo lagi ng kahihiyan.
kung tutuusin, napakamakapangyarihan ng boto ng bawat isang Pilipino. kung pagsasama-samahin ang mga boto, makapaghahalal sila ng grupo ng taong mamumuno ng bansa. isipin na lang, ang boto ng milyon-milyong Pilipino makapaghahalal ng iilang tao bilang pinuno. iilan lang sila pero sila ang mas may kapangyarihang magpagalaw ng Pilipinas. kaya kung palpak ang mga nahalal dahil hindi ginamit nang wasto ang karapatang bumoto, kawawang Pilipinas, patuloy na lulubog. lalong mahihirapang umahon.
hindi rin naman maaaring isisi ang lahat sa mga botante. mahirap pumili ng kandidato lalung-lalo na kung walang mapagpipilian. ika nga, ang daming "trapo" na laging namamayagpag kapag malapit na ang halalan. maliban sa kanila, ang mga gahaman sa kapangyarihan at sa makukurakot ang silang mga humihingi ng boto. at kung sila ay mahalal, ano'ng gagawin nila? maswerte na kung pupunta sila sa ilang pagdinig sa kongreso o senado o kung uupo paminsan-minsan sa kani-kanilang opisina, at pagkatapos, liliban na sa mga susunod na araw ng pasok o sa mga sesyon. magliliwaliw sa iba't ibang lugar, isasama ang buong pamilya, mga kabarkada at buong barangay, magsusugal, matututong mangalakal ng bawal na gamot, lulustayin ang kaban ng bayan, at ayun! mananatili sa posisyon hanggang sa susunod na halalan. paulit-ulit. walang pagbabago. nakakahilo. nakakabaliw. nakakamatay. nung namigay ng konsensya at puso ang Diyos, hindi ko alam kung saang kweba nagtago ang mga ito. at kung meron mang mangilan-ngilang mabubuting mahahalal, nalalamon naman sila ng bulok na sistema.
kinakailangan talagang ipagdasal ang bansa. ngunit hindi lang yun. kailangang kumilos nang tama. simulan sa nalalapit na eleksyon, mga kababayan. buksan ang mata, puso, isip at diwa. huwag magbulag-bulagan, magbingi-bingihan o magkibit-balikat sa mali. at sa sinumang mahahalal, mag-isip-isip at mag-ingat. naniniwala ako na kung makapanlinlang man kayo sa mundong ito sa inyong pagkapanalo, talunan naman kayo sa kabilang buhay magpakailanman.


2 Comments:
Hello min, this reminds me so much of the collegian! Alam mo yon, yung official paper sa UP? Malamang hindi lang ikaw ang lalagnatin dahil sa eleksyon. Kahit andito ako sa malayong lugar, can't help but compare how very different things are run by government officials here. Dito, pakiramadam mo hindi ka nadadaya kahit mataas ang tax na binabayaran mo. Libreng edukasyon, mababang bayad sa ospital, benepisyo mula sa gobyerno kapag nawalan ka ng trabaho, at kung ano ano pa. Sana umabot din sa ganitong sitwasyon ang Pilipinas.
Kung lagnatin ka man, biogesic lang. :)
ivy! nakakatuwa naman at kahit nasa ibayong dagat ka na ay nasa puso mo pa rin ang pagiging pilipino :)
sana maraming katulad mo na kahit malayo ay ipinagdarasal pa rin ang pilipinas.
sana nga, biogesic lang ang gamot di lang sa lagnat kundi sa lahat ng problema ng bayan :)
Post a Comment
<< Home